ABOUT US          HOME           NEWS          ANNOUNCEMENT         FEATURE          PROJECTS        

Wednesday, May 19, 2010

Kasapi ng mga Kaanak ng Katipunan

ANG KARTILYA

Ang Kartilya ay siyang naging gabay sa pagtatag ng isang adhikain tungo sa pag-buo ng isang samahan na ang layunin ay pag-isahin ang mithiin ng sambayanang Pilipino. Ang mga kasapi ng samahang ito ay binubuo hindi lamang ng mga miyembrong sumailalim sa isang pagsubok, bagkus ang mga kasapi ng kanyang pamilya na pinagkakaingat-ingatan ang lihim ng samahan. Sa ganitong paraan ay napagbubuklod-buklod at napapalago ang mga adhikain ng samahan tungo sa makabuluhang pagsasabuhay ng mga adhikaing tunay na Pilipino.

Nguni’t dahil sa pang sariling interes at mithiin ng mga naluklok sa kapangyarihan ay hindi natin lubos na nakamtan ang mga adhikain ng ating mga ninuno na siyang nagsimulang itatag ng samahang ito. Ang Kartilya at Sampung Kautusan ng Katipunan ay hindi lubos na naihayag at naisapuso ng mamayan at ng isang bayanan dahil sa mga sariling interes ng mga nailuklok na liderato na madaling nasilaw at nalasing sa kapangyarihan, ganuon din ang mga naka-aligid sa kanila.

Kaya’t tayong mga napag-iwanan ng ating mga ninuno na siyang nagsimulang nakibaka na maisakatuparan ang kasarinlan ay dapat na mamulat na muli upang magsanib pwersa at muling ibangon ang mga adhikaing ipinaglaban ng ating mga nakatatanda.


PAG-KAKAISA, PAGTUTULUNGAN AT PAGBANGON
NA MULI NG MGA KAANAK!

ITO ANG SIGAW NG SAMAHAN!

Ito’y ating makakamtan sa pamamagitan ng sumusunod:

‘1. Ang pakbubuklod-buklod na muli ng mga kaanak lalo na sa kanayunan sa pamamagitan ng sumusunod:

‘a. Patuloy na pananaliksik at paghahanap ng mga dating kasapi;
‘b. Pagtatalaga ng pinuno na siyang magiging sangay ng kanya-kanayang kaanak;
‘c. Pagtutulungang ma-organisa ang bawa’t lipi ng kaanak;
‘d. Ang patuloy pagpapalawak ng mga adhikain ng ating mga ninuno sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya.

‘2. Pag-buo ng mga proyekto upang makalikum ng sapat na pondo para tustusan ang adhikain ng kaanak sa pamamagitan ng sumusunod;

‘a. Ang pagpapalawak ng mga miyembro;
‘b. Ang pagtatalaga ng mga miyembrong may katangi-tanging talentong igugugol at iaalay para sa samahan.
‘c. Ang pagkalap ng material na bagay upang mapalaganap ang adhikain ng kaanak;
‘c. Ang pagbigay priyuridad sa pagpili at pagpapasakatuparan ng mga proyektong pangkaunlaran at pangkabuyan para sa pagpapalaganap ng adhikain ng kaanak.


ANG KARTILYA NG KATIPUNAN




Kartilya ng Katipunan
ni Emilio Jacinto

1. Ang buhay na hindi ginugugol sa isang malaki at banal na kadahilanan ay kahoy na walang lilim, kundi damong makamandag.
2. Ang gawang magaling na nagbuhat sa paghahambog o pagpipita sa sarili, at hindi talagang nasang gumawa ng kagalingan, ay di kabaitan.
3. Ang tunay na kabanalan ay ang pagkakawang-gawa, ang pag-ibig sa kapwa at ang isukat ang bawat kilos, gawa't pangungusap sa talagang Katuwiran.
4. Maitim man o maputi ang kulay ng balat, lahat ng tao'y magkakapantay; mangyayaring ang isa'y hihigtan sa dunong, sa yaman, sa ganda...; ngunit di mahihigtan sa pagkatao.
5. Ang may mataas na kalooban, inuuna ang puri kaysa pagpipita sa sarili; ang may hamak na kalooban, inuuna ang pagpipita sa sarili kaysa sa puri.
6. Sa taong may hiya, salita'y panunumba.
7. Huwag mong sayangin ang panahon; ang yamang nawala'y mangyayaring magbalik; ngunit panahong nagdaan ay di na muli pang magdadaan.
8. Ipagtanggol mo ang inaapi; kabakahin ang umaapi.
9. Ang mga taong matalino'y ang may pag-iingat sa bawat sasabihin; matutong ipaglihim ang dapat ipaglihim.
10. Sa daang matinik ng buhay, lalaki ang siyang patnugot ng asawa at mga anak; kung ang umaakay ay tungo sa sama, ang pagtutunguhan ng inaakay ay kasamaan din.
11. Ang babae ay huwag mong tingnang isang bagay na libangan lamang, kundi isang katuwang at karamay sa mga kahirapan nitong buhay; gamitin mo nang buong pagpipitagan ang kanyang kahinaan, at alalahanin ang inang pinagbuharan at nag-iwi sa iyong kasanggulan.
12. Ang di mo ibig gawin sa asawa mo, anak at kapatid, ay huwag mong gagawin sa asawa, anak at kapatid ng iba.

No comments:

Post a Comment